Friday, September 5, 2008

Telling Lies

Sa panahon natin ngayon, ngayong uso na ang pouted lips, habayanas, istarbaks, party, slimming tea, vicky belo, cherifer, at kung anu-ano pang pang-transform, meron pa kayang taong hindi marunong magsinungaling? Wala na ata, at kung meron man, siguradong malapit na syang kunin ni Lord. Naging kaugalian na ng tao yan ang pagsisinungaling, lalo pa sa mga pilipino na likas ang pagiging mayabang at sinungaling, kahit saan ka ata pumunta hindi mawawalan ng mga sinungaling, kahit sa palengke, sasabihin ng mga tindera na sariwa ang isda nila kahit noong nakaraang bagyo pa ito nahuling lumulutang sa dagat. At sa mga paradahan ng jeep, sasabihin nilang tatakbo na ang jeep kahit isa pa lang ang pasahero, at kahit alam mong mapuno na ito, at kalahati na lang ng pwet mo ang nakasabit sa upuan e hindi pa din to tatakbo dahil kulang at kulang pa din daw ng isa. Pag na-late ka sa date mo, magdadahilan ka ng kung ano ano, pag nalate ka sa klase at pag absent ka. Magsisinungaling at magsisinungaling ka para maligtas ka sa posibleng mangyari sayo kung magsasabi ka ng totoo. Literrally, Lying is communication with the intention of creating a false belief. A sarcastic statement which is not intended or expected to create a false belief is not a lie, even if it creates a false belief. If a statement is true, but the communicator believes it is false, it still counts as a lie. Hehe..yan! galing noh? Alam nyo ba na kahit ang mga magulang natin ay nagsisinungaling din paminsan minsan, katulad ng pag sinabihan ka ng nanay mo na ikaw ang pinakamaganda at pinakagwapo sa lahat kahit na kamukha mo si bakekang at ikaw palagi ang ipinangaasar ng mga kaklase mo pag me inaaway sila, usong uso kase noon sa mga bata ang ipina-partner ka sa pinakapanget sa klase nyo. katulad ng uyyy syota mo si..(tapos ikaw yun), pero sasabihin ng nanay mo na wag maniniwala sa kanilang panget ka at paniniwalain kang kamukha mo si bea alonzo at magiging artista ka pagdating ng mga aliens, at pag nalipat na sa pwet ang mukha ng mga tao.

Hindi ako nakakatulog ng normal, umaga ako nakakatulog at gising sa gabi, Sa gabi, hindi ako makatulog. Nagpapaikot ikot sa kama. Kumakain ng cookies. Yosi. Dota. Nood koreanobela. Ayaw ng tulog sa mga katulad kong kyut, hindi sapat ang mukhang ala Jomari (chan) para pagbigyan ako ng Tulog. Ayaw nya sakin at hindi ko alam kung bakit. Gusto kong maexperience ulit makatulog ng maaga at magising ng maaga at magalmusal ng pandesal with butter kasama ng mainit na kape. Gusto ko ulet maexperience ang sarap ng pagtulog habang tumutulo ang laway at nakasmile.
Pag minsan hindi talaga ako makatulog nanonood na lang ako ng DVD mula sa pirates of Quiapo, buong magdamag nagbabakasaling dalawin ako ng antok at lumabas ang mga pinapantasya kong mga koreana sa pelikula. Pinanood ko ang lahat ng mga peyborit kong palabas ng paulit ulit, pinakapeyborit ko yung "My girl" korean version, hindi yung kina kim at gerard ah! Pati na yung mga english na palabas na hinihiling kong magkasubtitle ng tagalog para hindi dumudugo ang ilong ko pag nagiinglishan sila ng todo. Ugali ko ng maglista ng mga kowtable sa mga pinapanood kong pelikula. Pati sa mga porn flicks eh isinasaulo ko ang mga sinasabi ng mga porn star pero kadalasan puro Ooooh at Aaaah lang ang sinasabi nila at... Okay! babawiin ko na, magsisinungaling muna ako at sasabihin kong hindi pa ako nakakapanood ng porn sa buong buhay ko! zzz.. Sabi sakin ng kaibigan kong broken hearted, ang salitang "i lab u" daw ang pinaka sinungaling na salita para sa kanya, kase pag katapos syang basteden ng 8 beses ng nililigawan nya sinagot din sya at bnreak din pagkatapos sabihan ng i lab u ng nililigawan nya, ang labo noh? parang adik lang. ang mga pinoy kase pag sinabihan mo ng i lab u, lalo na pag magsyota, automatic i lab u too din ang sagot, parang habit na lang, lalo na sa teks. lahat ng teks me kasunod na i lab u at syempre isasagot mo i lab u too, kahit hindi mo naman feel na sabihin.Sabi nga sa isang palabas na hindi ko masyadong naintindihan dahil nga english, “Power don’t come from a badge or a gun. Power comes from lying. Lying big, and gettin’ the whole damn world to play along with you. Once you got everybody agreeing with what they know in their hearts ain’t true, you’ve got e’m by the balls.” yan ang isang linya sa pelikulang Sin City na tumatak sa isip ko kahit hindi ko naman talaga ito napanood, nagkataon lang na yun ang script at nagkataong kumapit sa utak ko. Halos kalebel lang ito ng “She loved me at my worst. You had me at my best and you chose to break my heart” ni John Lloyd sa One More Chance.
Power comes from Lying kaya hindi na ako magtataka kung bakit lahat ng nasa kapangyarihan eh mga sinungaling. Alin nga ba sa mga pinangako nila ang natupad na? at naniniwala ba kayong by 2020 eh Developed Country na ang Pinas? boo! umasa ka sa wala! hahaha! hanggat hindi naalis sa pwesto ang mga sinungaling at corrupt na opisyal ng bansa at hindi ako nagiging presidente ng pilipinas hindi matutupad yan. May ilang taon pa bago mag 2020 pero napakaimposibleng maalis sa sistemang pulitikal ng Pinas ang mga ganitong klaseng Pulitiko. Hello nga pala sa mga kababayan ko dyan sa batangas! wag nyo kong kalilimutan pag kakandidato ng akong presidente ng pilipinas! Naalala ko pa ang sinabi ko noon sa kaibigan kong doctor, na pag ako naging presidente, ssweldohan ko lahat ng tambay at ipapa-aircon ko ang bawat kalsada ng metro manila. Tumawa sya at inilibre nya ako ng tanghalian, at sinabing matatauhan ka din tsong pag binusog na kita at inalok nya na din ako ng libreng check up sa utak.
Sa pagkakatanda ko limang taon ako nung una akong nagsinungaling. Nabasag ko yung banga sa bahay na mas mahal pa sa buhay ko. Dala pa ng tatay ko yun galing saudi at me swerte daw yun. Dahil sa takot sinabi kong Hindi ako nakabasag noon. Pero tulad ng sabi ni Bob Ong sa libro nyang MacArthur “Pag pinaniniwalaan namin kayong naglaro ng tubig kahit na kahit basang-basa ang mga damit ninyo, Kayo ang niloloko namin. Hindi kayo ang nakakapanloko”. May mga hindi maipaliwanag sa mga magulang kung bakit nalalaman nilang hindi nagsasabi ng totoo ang kanilang mga anak. Siguro dahil kilala na nila tayo dahil sa sperm at egg cells nila tayo nabuo. Ang ending ko, naparusahan ako hindi dahil nabasag ko yung jar kundi dahil sa pagsisinungaling ko. Pinalo ako ng todo, pero pagkatapos nun, ibinili naman ako ni nanay ng isang pakete ng kornik sabay kiss sa pisngi.
Hindi ako ganun kaeksperto sa pagsisinungaling. Minsan madali akong mabuko. Madali lang malaman kung nagsisinungaling ako. Kaya malamang hindi ako epektibong Pulitiko balang araw, pero magpapraktis ako para matupad ang pangarap sakin ng mga pinoy na edad 3 pababa at ng mga hindi pa ipinapanganak na maging future mr.president.

Kaya kung tatanungin mo ako kung isa akong sinungaling, nagbobolahan na lang tayo kung sasabihin kong hindi, e ikaw?

No comments: